[t4b-ticker]

Go: DoH, PhilHealth magpokus sa health crisis

Go: DoH, PhilHealth magpokus sa health crisis

June 21, 2020 @ 1:11 PM 4 years ago

Manila, Philippines–Hinikayat ni Senator at Senate committee on health chairman Christopher Lawrence “Bong” Go ang Department of Health, ang PhilHealth at iba pang concerned agencies na manatiling nakapokus sa pagtupad sa kanilang mandato, partikular na sa pagsagupa sa COVID-19 pandemic, sa kabila ng batikos ng mga kritiko at publiko.

Ginawa ni Sen. Go ang apela sa harap ng isasagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman sa umano’y mga anomalya o iregularidad ng ilang opisyal ng DOH, lalo sa paghawak sa kasalukuyang COVID-19 crisis.

“The Filipino people deserve a fair and partial investigation. Ngayon, sinabi ni Ombudsman Martires, gusto nilang malaman ang katotohanan. Gusto rin malaman ng taumbayan ang katotohanan,” ani Go sa panayam sa kanya sa pagsasabing ang pagsisiyasat sa alegasyon ay constitutional duty ng Ombudsman.

“’Wag kayong [DOH] ma-pressure, gawin n’yo lang muna ang inyong trabaho… kung walang itinatago, eh wala kayong dapat ikatakot. Trabaho muna kayo. Labanan muna natin itong COVID-19. Kapag nalampasan natin itong labang ito, taas noo po kayong haharap sa Pilipino na tinalo natin itong COVID-19 lalo na kung wala po kayong ginawang masama,” ang sabi ng senador.

Sinabi ni Go na tangan pa rin naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang “full trust” ni Pangulong Duterte sa pagsasabi pang mahirap sa ngayon na magpalit ng DOH chief habang ang bansa ay nasa gitna ng pakikipaglaban sa COVID-19.

“Base po sa narinig at binabanggit n’ya sa publiko nung mga nakaraang araw, eh nandyan pa ang tiwala ng Pangulo kay Secretary Duque. Pangalawa, ayaw rin po mapalitan ni Pangulo si Secretary Duque sa gitna ng laban bagama’t alam n’ya po na may pagkukulang talaga ‘yung departamento, maraming pagkukulang, kaya nga po pinatulungan na n’ya sa mga iba’t ibang retired military officials na nasa Gabinete po ngayon,” ani Go.

“Hindi po talaga kakayanin ng DOH o ng PhilHealth lang (mag-isa) talaga, undermanned na po sila. Kulang na po ang kanilang mga tao eh, itong gyerang ito hindi natin nakikita ang kalaban. Itong mga dating military (officials), sanay po ito sa digmaan kaya pinatulungan na po n’ya ang ating mga opisyal sa DOH through the help of different agencies,” dagdag ni Go.

Nang tanungin hinggil sa progreso ng pamamahagi ng gobyerno sa universal health care coverage, nangako si Go na patuloy niyang isusulong ang full implementation ng Universal Health Care Law kaya nga umaapela siya sa concerned government officials na huwag ma-pressure at sa halip ay magpokus sa mahahalagang gawain na nakaatang sa kanila.

“Magtulungan po tayo malampasan ang krisis na ito. Hindi po nakakatulong ang hindi pagkakaunawaan. Patuloy ang pagkalat ng sakit, huwag niyo na dagdagan ng sakit ng sama ng loob sa isa’t isa,” giit niya.

Matatandaang hiniling ni PhilHealth President Ricardo Morales na i-delay muna ang implementasyon ng UHC Law dahil sa pagbagsak ng revenue ng government health insurance agency.

Ngunit sinuportahan ng Palasyo ang pahayag ni Sen. Go na hindi dapat mahinto ang UHC Law at sa halip ay kinakailangan pa ngang maimplementa sa panahon ngayon ng krisis.

“[H]indi po ako papayag na hindi maimplementa ng maayos ‘yung Universal Health Care Law, hindi lang naman po COVID-19 ang covered ng PhilHealth. Kasama na rin po dyan ang ibang sakit at iba pang pangangailangan para sa lahat. Dapat maimplementa po ito nang maayos at hindi po dapat maantala lalong-lalo na po mayroon tayong kinakaharap na COVID-19,” ayon kay Go.

Suportado ni Go ang PhilHealth at nangakong itutulak ang pagtataas ng pondo ng ahensiya.

Gayunman, pabor din siya sa panawagang imbestigasyon sa mga alegasyong katiwalian sa ahensiya.

“Ipaglalaban ko ang pondo ng PhilHealth, pero ni piso ipaglaban n’yo rin ang pondong hawak ninyo. Walang dapat masasayang.”

“Managot ang dapat managot kahit na magkasama tayo sa gobyerno at magkaibigan tayo. Kung ano lang po ang tama. ’Yan po ang pinagbibilin parati ni Pangulo — Do what is right. Karapatan ng bawat Pilipino malaman ang katotohanan,” anang senador. RNT/NCT